Wednesday, August 30, 2023

SILAW PINANGASIWAAN ANG PAGDIRIWANG NG BUWAN NG WIKA

nina Catherine V. Adaniel, Lorgen N. Oseta, at Rhealyn G. Cala


Mga mag-aaral mula sa iba’t ibang departamento nagtagisan ng talino sa asignaturang Filipino.


Upang maipakita ang kahalagahan ng wikang Filipino at iba pang diyalekto sa Pilipinas sa kapayapaan, seguridad, at katarungang panlipunan, pinangasiwaan ng Sinag ng Lahi at Wika (SILAW), isang organisasyon mula sa Kolehiyo ng Edukasyon, ang Buwan ng Wikang Pambansa 2023 noong Agosto 30 sa pamamagitan ng sari-saring patimpalak na naglalayong maisulong at mapagyabong ang wikang Filipino at mga katutubong diyalekto.

Nagsimula ang programa sa mga mensaheng hatid nina Dr. Rodyard B. Madiclum, Tagapangasiwa ng Kampus; Dr. Archile C. Abogadie, Tagapangulo ng SAS; at Dr. Rogelio C. Flores Jr., Tagapayo ng SILAW, na naitalagang ipakilala ang panauhing pandangal na si Bb. Catherine L. Candido na nagmula pa sa Ivisan National High School, Ivisan, Capiz.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Bb. Candido na, "Ito ang panahon para sa atin na magbukas ng ating pag-unawa sa iba't ibang wika, at kasabay nito ang hamon na magtulungan upang mapalaganap ang paggamit at pagpapahalaga sa ating pambansang wika at mga katutubong wika."

Isinabuhay ng SILAW ang tema na "Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad at Inklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan" sa pamamagitan ng mga aktibidad, tulad ng Tagisan ng Talino, Spoken Word Poetry, Pag-awit ng Kundiman, Dula-Dulaan, Tawag ng Tulaan, Sagot Mo, Pilahan Mo, at Poster Making Contest na nilahukan ng mga mag-aaral mula sa limang departamento ng Kampus.

Bilang paalala, nag-iwan ng mahalagang mensahe si Bb. Candido na nagsasaad na: “Maihahalintulad ko sa isang punong-kahoy ang ating wika. Kung ang wikang Filipino ay ang puno, ang wikang mga katutubo naman ang nagsisilbing mga sanga, at tayo ang mga dahon na nagpapayabong nito. Dahilan upang ito’y mamunga ng sagana – sagana sa kultura at hitik sa sining.”

No comments:

Post a Comment