Thursday, August 29, 2024

 WIKANG FILIPINO: KASANGKAPAN NG KALAYAAN AT PAGBABAGO

nina Wendy Eunice P. Duntog at Abegail Q. Lema


    Noong Agosto 29, pinangunahan ng Sinag ng Lahi at Wika (SILAW), isang organisasyon mula sa Kolehiyo ng Edukasyon, ang pagdaraos ng Buwan ng Wikang Pambansa 2024 na may temang "Filipino: Wikang Mapagpalaya" sa pamamagitan ng sari-saring patimpalak at aktibidad na naglalayong ipahiwatig ang kahalagahan ng wikang Filipino bilang kasangkapan ng kalayaan at pagbabago.

    Ang selebrasyong ito ay alinsunod sa Proklamasyon Blg. 1041 na nilagdaan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos na isinasaad ang pagsasagawa ng mga makabuluhan at napapanahong aktibidad na may kinalaman sa wika at kulturang Pilipino.

    Sa kaniyang pambungad na mensahe, binigyang-diin ni Prof. Jose Sandy C. Zaragosa, Tagapayo ng SILAW, ang kahalagahan ng pagkilala at pagmamahal sa Wikang Filipino at aniya, "Nandito tayo ngayon upang ipakita ang ating pagmamahal at ang ating taos-pusong pagkilala sa wikang Filipino na siyang nagbigkis sa atin, nagbigkis sa buong Pilipinas, ang Pilipinas na kung saan mayroong may higit isang daan at pitumpung wika."

    Nagsimula ang pagdiriwang sa Parada ng Pagkakaisa, kung saan ang mga estudyante, guro, at mga miyembro ng komunidad ay naglakad suot ang makukulay na kasuotan, at Rampa ng Kalayaan, na nagpakita ng iba't ibang tradisyonal na kasuotang sumasalamin sa mga dakilang bayani na nagbigay ng mahahalagang kontribusyon sa bansa.

    Ipinahayag naman ni Dr. Romulo N. Lagon, Dekano ng Kolehiyo ng Edukasyon, ang papel ng wika sa pagtataguyod ng dangal at pagkakakilanlan at nararapat lang na “isabuhay natin ang ating wika bilang simbolo ng ating dangal at pagkakakilanlan habang tayo'y patuloy na humahakbang sa pag-unlad at pagbabago at mas makatarungan at makataong bayan. Sa paggamit ng ating wika, hinuhubog natin ang isang lipunang may malasakit at may tunay na kalayaan para sa lahat."

    Upang higit pang maipakita ang mahalagang papel na ginagampanan ng wikang Filipino sa iba't ibang aspeto ng buhay ng tao at nang lubos pang magbigay ng inspirasyon sa mga manonood, naghatid ng isang talumpati si Dr. Mary Jean A. Apuhin.

    Ipinabatid ni Dr. Apuhin na "ang wika ay isang punyal na matalim, punyal na kumikinang sa pagsapit ng gabing madilim. Ang kuhulugan nito ay sumisimbolo sa isang utak na magaling na ginagamit at umuunlad hangga't patuloy na umiikot ang mundo. Habang tayo ay nabubuhay, ang wika ay naroroon lamang."

    Nagpatuloy ang selebrasyon sa pamamagitan ng iba’t ibang mga aktibidad na inorganisa ng SILAW, tulad ng Tulak ng Bibig, Husay sa Pakikinig at Tagisan ng Talino, at sa hapon naman, ang mga patimpalak na Likha-Larawan, Tinig ng Makata, Tatak Pinoy na Musika, at Dula-Dulaan na nagbigay pagkakataon sa mga mag-aaral na ipakita ang kanilang galing at talento sa sining at literatura.

    Ang pagdiriwang ay nagtapos sa isang makabayang pangwakas na mensahe mula kay Daveson P. Fabro, Pangulo ng SILAW, na ipinaalala ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagmamalaki sa sariling wika bilang bahagi ng pagbuo ng isang mas matatag na bansa.

No comments:

Post a Comment