𝐁𝐀𝐋𝐈𝐓𝐀 | 𝗣𝗔𝗚𝗧𝗔𝗧𝗔𝗡𝗚𝗛𝗔𝗟, 𝗣𝗔𝗟𝗜𝗚𝗦𝗔𝗛𝗔𝗡 𝗜𝗕𝗜𝗡𝗜𝗗𝗔 𝗡𝗚 𝗦𝗜𝗟𝗔𝗪 𝗦𝗔 𝗕𝗨𝗪𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗪𝗜𝗞𝗔 '𝟮𝟱
by Daveson Fabro
Ibinida ng Sinag ng Lahi at Wika (SILAW), isang samahan ng mga mag-aaral na nagpapakadalubhasa sa Filipino, ang mga pagtatanghal at paligsahan na nagpakita ng galing, talento, at pagpaphalaga sa Filipino at katutubong wika bilang pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2025 ng Capiz State University (CAPSU) Burias Campus noong Miyerkules, Agosto 27.
Nag-alay ng pagtatanghal ang piling mga kasapi ng SILAW at kabilang sa mga paligsahan inorganisa nito ay ang Larawan ng Katutubong Wika, Rampa ng Katutubong Wika, at Boses ng CAPSU (Family Feud) kung saan ipinamalas ng Silaw at mga kalahok ang kahalaghan ng kabataang Pilipino sa paglinang ng Filipino at katutubong wika tungo sa pagkakaisa at kaunlaran ng bansa sa kabila ng hamon ng modernong panahon.
“Sa mga dakilang hamon ng ating makabagong panahon patuloy tayong tumahak sa landas ng paglilinang ng ating wika na siyang susi sa pagkakaisa at pag-unlad ng ating bansa,” pahayag ni Dr. Rodyard B. Madiclum, Tagapangasiwa ng Kampus.
Sa ilalim ng temang, "Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa,” sinimulan ang selebrasyon sa pamamagitan ng isang pambungad na mensahe na ibinigay ng isa sa mga tagapayo ng SILAW na si Dr. Rogelio C. Flores.
“Kahit na ano pa ang mangyari ang wika ay hinding-hindi mawawala at palaging nariyan kaya naman ay dapat natin itong pahalagahan at gamitin,” ani Dr. Flores.
Tampok din sa selebrasyon ang panauhing pandangal na si Gng. Cecil A. Legarda, guro sa Filipino mula sa Mambusao National High School. Sa kaniyang mensahe, nagpasalamat ito sa kanyang pagbabalik sa CAPSU Burias makalipas ang dalawampu’t apat na taon, at ipinahayag niya ang personal na kahalagahan ng wikang Filipino sa pagkakakilanlan at pagtaguyod ng kutura.
“Ang Wikang Ingles ay magdadala sa iyo ng trabaho pero ang Wikang Filipino ang magpapaalala kung sino ka,” pagbabahagi ni Gng. Legarda.
No comments:
Post a Comment